
Nananawagan si Caloocan City Second District Representative Edgar Erice sa Kongreso na bumuo ng Metropolitan Government para sa Metro Manila na pamumunuan ng isang gobyernador.
Sa kanyang privilege speech sa session ng Kamara, sinabi ni Erice na ang metropolitan gobernment ang mangunguna sa pagtugon sa mga problema sa kalakhang Maynila tulad ng pagbaha, mabagal na usad ng trapiko, tambak ng basura, kakulangan sa pabahay, at polusyon.
Paliwanag ni Erice, ang National Capital Region (NCR) ay binubuo ng 16 na lungsod at isang munisipalidad na bagamat magkaka konekta ay may kanya kanyang kaharian o lokal na pamahalaan, mga prayoridad at intres pampulitika kaya hindi rin magkakaugnay ang pagtugon sa magkakaparehong suliranin.
Ayon kay Erice, ang Metropolitan Government ay magkakaroon ng kapangyarihan o otoridad hinggil sa metropolitan transportation and traffic management, major road networks, integrated flood control and drainage, solid-waste processing and final disposal, land-use planning, waterway rehabilitation, regional housing and resettlement, disaster-risk reduction, at environmental protection.
Tinukoy ni Erice na batay sa Article X, Section 11 ng 1987 Constitution ay may otoridad ang Kongreso na lumikha ng batas, na idadaan sa plebesito para sa paglikha ng special metropolitan political subdivisions habang pinapanatili pa rin ang otonomiya ng kasalukuyang mga lokal na pamahalaan.










