Saturday, May 2, 2026

John Mollenido, asawa ng pinaslang na pulis at 8-anyos nitong anak, dinismiss ng NAPOLCOM dahil sa grave misconduct at obstruction of justice

Inatasan ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang dismissal sa serbisyo ni Police Master Sergeant John Mollenido dahil sa grave misconduct, neglect of duty, at conduct unbecoming of a police officer.

Ang nasabing desisyon ay inilabas ng Commission En Banc matapos mapag-alamang may pananagutan umano si Mollenido sa paghawak sa kaso ng pagkamatay ng kanyang asawa at 8-anyos nitong anak noong Enero ngayong taon.

Nabatid na natagpuan ang naaagnas na bangkay ng kanyang asawa na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido sa Bulacan, habang ang katawan naman ng kanyang anak ay natagpuan sa Tarlac. Sa isinagawang autopsy, nadiskubre na nasawi ang mag-ina dahil sa tama ng baril at suffocation.

Ayon sa NAPOLCOM, sa kabila ng nagpapatuloy na imbestigasyon ay agad nitong ipina-cremate ang mga labi ng mga biktima kahit hindi pa tapos ang isasagawang medico-legal examination. Nagresulta ito sa pagkasira ng mga potensyal na ebidensya sa kaso.

Binigyang-diin ng komisyon na ito ay malinaw na paglabag sa Presidential Decree No. 1829 o obstruction of justice. Isa rin itong paglabag sa NAPOLCOM Circular No. 2016-002 kaugnay ng grave misconduct at iba pang administrative offenses ng mga police personnel.

Samantala, ayon kay Commissioner Raphael Calinisan, kapag ang isang pulis mismo ang sumisira sa ebidensya at humahadlang sa katotohanan, hindi lamang batas ang nilalabag kundi maging ang mismong katarungan.

Facebook Comments