
Iginiit ni Clerk of Court ng Senate Impeachment Court Atty. Renato Bantug Jr., na wala pa ring ibang petsa sa pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kundi nananatili pa rin sa July 6.
Ito ay sa kabila ng posibilidad na ma-extend pa ang pre-trial conference at hindi ito matapos hanggang bukas dahil sa libo-libong documentary evidence na hindi pa natatapos mamarkahan.
Ayon kay Bantug, masikip man ang mga araw dahil malapit na ang July 6 pero ito ay doable at hindi pa naman imposible para magsagawa ng impeachment trial.
Sinisikap din aniyang matapos nila sa linggong ito ang pre-trial conference kaya pinalawig din nila ngayong araw sa alas syete ng gabi ang ginagawang marking of evidence.
Kung matapos bukas o sa Biyernes ang pre-trial conference, maaaring maglabas na ang impeachment court ng pre-trial order sa susunod na Lunes at may tatlong araw ang prosecution at defense team na magisyu ng kanilang mga komento ukol dito.
Sinabi ni Bantug na kakayanin pa rin ang schedule na ito dahil ang pagkomento sa pre-trial order ay pasok pa rin sa petsa bago ang July 6 impeachment trial.










