Saturday, May 9, 2026

KABATAAN KONTRA DROGA, PINATATAG SA YOUTH CAMP NG PANGASINAN PPO

Pinalalakas ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang kamalayan ng mga kabataan laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pakikilahok sa pagbubukas ng “Kabataan Iwas Droga Youth Camp 2026.”

Dumalo sa aktibidad ang mga lider ng Sangguniang Kabataan at mga out-of-school youth mula sa iba’t ibang lugar sa lalawigan upang makiisa sa mga programang nakatuon sa youth empowerment, disiplina, at pagpapanatili ng kapayapaan sa komunidad.

Bilang bahagi ng programa, isinulong din ng kapulisan ang adbokasiyang “Pulis Ko, Gabay Ko” kung saan binigyang-diin ang papel ng mga pulis bilang katuwang at gabay ng kabataan, bukod sa pagiging tagapagpatupad ng batas.

Nagkaroon din ng information drive hinggil sa masamang epekto ng ilegal na droga sa buhay, pamilya, at kinabukasan ng isang tao upang mapataas ang kamalayan ng mga kalahok laban sa ipinagbabawal na gamot.

Ayon sa Pangasinan PPO, layunin ng youth camp na mahubog ang liderato, disiplina, at responsibilidad ng kabataan habang hinihikayat silang makibahagi sa pagsusulong ng isang ligtas at drug-free na komunidad.

Umaasa rin ang mga awtoridad na magsisilbing daan ang programa upang mas mapalapit ang kabataan sa mga inisyatibong pangkapayapaan at pangkaunlaran sa lalawigan.

Facebook Comments