Thursday, May 28, 2026

Mga manggagawang naapektuhan ng pagguho ng gusali sa Angeles, Pampanga, bibigyan ng ayuda ng DOLE

Maglalaan ng tulong pinansiyal at iba’t ibang benepisyo ang Department of Labor and Employment o DOLE para sa mga manggagawang naapektuhan ng pagguho ng gusali sa Angeles City, Pampanga.

Ayon sa DOLE, inatasan na ni Labor Secretary Francis Tolentino ang Employees’ Compensation Commission o ECC na magbigay ng cash assistance at iba pang benepisyo sa mga kwalipikadong biktima ng insidente.

Sa ilalim ng Employees’ Compensation Program, magbibigay ng P15,000 ayuda sa mga benepisyaryo ng mga nasawing manggagawa.

Asikasuhin din ng ECC ang funeral benefit na nagkakahalaga ng P30,000 sa pamamagitan ng Social Security System o SSS na bukod pa sa regular na benepisyong maaari nilang matanggap.

Makakatanggap din ng death pension benefits ang mga kwalipikadong pamilya ng mga nasawi sa trahedya.

Samantala, may P10,000 cash assistance at disability benefits naman para sa mga manggagawang nasugatan habang nasa trabaho nang mangyari ang insidente.

Nauna nang bumisita si Tolentino sa ground zero site sa Pampanga kung saan binigyang-diin nito ang kahalagahan ng regular na inspeksiyon sa mga lugar ng trabaho upang maiwasan ang kaparehong insidente.

Tiniyak naman ng DOLE na magpapatuloy ang pagbibigay nila ng tulong sa mga apektadong manggagawa at kanilang pamilya.

Facebook Comments