
Nagpahayag ng kahandaan ang Department of Energy (DOE) na humarap at magpaliwanag sa Senado kaugnay sa nangyaring sunod-sunod na rotational brownout sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni DOE Secretary Sharon Garin na nakikipagtulungan na sila sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at Energy Regulatory Commission (ERC) at iba pang ahensiya ng pamahalaan para matugunan ang problema sa kuryente.
Pero amindao si Garin na mataas talaga ang demand ng kuryente sa Visayas at Mindanao dahil sa summer seson kaya kulang ang suplay sa naturang rehiyon.
Malaki rin aniyang factor ang sobrang init ng panahon kaya nasisira ang ilang planta ng kuryente.
Ito aniya ang dahilan ng pagnipis ng suplay at reserbang kuryente sa ngayon.
Inaabot din aniya ng tatlo hanggang limang taon ang pagpapatayo ng mga planta kaya’t mahihirapan pang mapatatag ang suplay ng kuryente sa Visayas at Mindanao.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Garin na ginagawa nila ang lahat para madagdagan ang suplay ng kuryente.










