
Nakitaan ng Department of Migrant Workers (DMW) ng paglabag ang accommodation facility ng Bobstar Intl. Recruitment Agency Inc. sa Paco, Manila.
Kasunod ito ng isinagawang welfare check ng DMW sa naturang pasilidad na tinutuluyan ng mga aplikanteng domestic workers patungong Saudi Arabia.
Sa naturang inspeksyon, natuklasang siksikan ang mga aplikante sa loob ng accommodation at kulang ng maayos na bentilasyon.
Ayon sa DMW, kabuuang 21 aplikante mula sa Mindanao ang kasalukuyang naninirahan sa nasabing pasilidad at iisang palikuran lamang ang ginagamit ng mga ito.
Bukod dito, nabigo rin ang accommodation na makapasa sa mga basic safety requirements dahil sa kawalan ng fire exit at fire extinguisher.
Muli namang nagpaalala ang DMW sa publiko na agad i-report sa Migrant Workers Protection Bureau Facebook page DMW Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons Program ang anumang impormasyon hinggil sa hindi ligtas o hindi maayos na kalagayan ng mga pasilidad ng recruitment agencies.