
Iginiit ng Department of Budget and Management (DBM) ang kahalagahan ng bicameral legislative system ng bansa para masuri ang mga panukalang budget.
Ayon kay Budget Secretary Kim Robert de Leon, sa ganitong paraan ay parehong nasusuring ng mga mambabatas ang panukala at nakapagbibigay ng mungkahi sa mga pagbabago nang naaayon sa Saligang Batas.
Sinabi pa ng kalihim na mahalagang matiyak na dumadaan ito sa pagsusuri, may accountability at nalalaman kung sino ang nagpanukala at nag-apruba.
Sa ngayon, ilang mambabatas ang nanawagan na agad maisabatas ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability Act para masiguro na may mananagot sa paggamit ng pondo ng bayan sa gitna ng mga ulat ng umano’y insertions sa 2027 national budget.
Sinabi ni Representative Leila de Lima na dapat maging bantay sarado ang national budget upang magamit nang maayos kapag may krisis at banta gaya ng Super El Niño.
Nauna na ring nanawagan ang iba pang kongresista na maisabatas ito para maisulong ang transparency at maibalik ang tiwala ng publiko.
Sa ngayon, nakabinbin sa kongreso ang House Bill No. 6898 na counterpart ng Senate Bill No. 1506 ni Aquino na inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling na pagbasa noong nakaraang taon.










