
Nagpasaklolo na ang kampo ni Senator Bato Dela Rosa kaugnay sa inilagay na patong sa ulo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) para sa pagkaka-aresto nito.
Batay sa manifestation na inihain ng abogado ni Dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon, hiniling nito sa Kataas-taasang Hukuman na maglabas ng temporary restraining order (TRO) para harangin ang anumang tangkang pag-aresto sa senador.
Iginiit nila na naglabas agad ng pabuya ang pamahalaan para sa pagkaka-aresto kay Dela Rosa kahit na hindi pa inaaksyunan ang kanilang motion for reconsideration kaugnay sa pagkuwestiyon sa bisa ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Bukod sa hiling na huwag arestuhin ang senador, nais din ng kampo ni Dela Rosa na pigilan ang tangkang pagsuko sa kaniya sa ICC at huwag ipatupad ang ₱50 million na patong sa ulo laban dito.
Umapela rin sila sa Supreme Court na baliktarin ang naunang ruling kaugnay sa pagbasura sa petisyon ni Dela Rosa para sa TRO sa pagpapatupad ng ICC warrant of arrest.










