
Lumiliit na ang mundo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa ₱50 milyong pabuya para sa agarang ikaaaresto niya.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, inaasahang mas maraming tao ang magbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad kapag namataan ang senador, kasunod ng alok na pabuya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP).
Maaaring direktang mag-ulat ang sinumang may impormasyon sa PNP o sa iba pang law enforcement agencies.
Kinumpirma na rin ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na nakatatanggap na rin sila ng mga impormasyong may kaugnayan sa umano’y kinaroroonan ni Dela Rosa.
Gayunman, tumanggi si Castro na magbigay ng detalye sa mga hakbang at operasyong isinasagawa ng mga awtoridad para maaresto ang senador.










