
Nilinaw ng defense team ni Vice President Sara Duterte na hindi sila ang dahilan ng delay ng pre-trial conference dahil sa kakulangan ng tauhan.
Ayon kay Defense Spokesperson Atty. Michael Poa, hindi nila isinasantabi ang posisyon ng House Prosecution Panel na posibleng malabong matapos ngayong linggo ang pre-trial conference dahil aminado silang libo-libo ang mga dokumento na kailangang markahan sa ilalim ng Article 1 o ang hindi tamang paggamit ng confidential funds.
Sinabi ni Poa na problema nila ay iisang table lang ang ibinigay na marking station gayong nasa 4,000 ang documentary evidences na kailangang mamarkahan.
Para mapabilis aniya ang pagmamarka ng mga exhibits, inanunsyo kanina ng clerk of court matapos ang ginawang konsultasyon sa prosekusyon at depensa na magiging dalawa na ang table para sa markings of evidence.
Samantala, idinagdag ni Atty. Mark Vinluan ng defense team na ang private prosecutors talaga ang kulang sa mga tauhan para sa marking ng evidence.
Sinabi ni Vinluan na hindi naman nagpa-participate buong araw sa pre-trial conference ang House panel prosecution dahil ang mga ito ay pumupunta lang ng umaga at aalis na kung saan lahat ng trabaho ay iiwan na sa mga private prosecutors na humahawak ng kaso.










