Tuesday, June 23, 2026

Usapin sa pagpapababa ng minimum age sa criminal responsibility, ipinauubaya na ng DOJ sa Kongreso

Ipinauubaya na ng Department of Justice (DOJ) sa Kongreso ang usapin ng pagpapababa ng minimum age para sa criminal responsibility sa bansa.

Sa gitna ito ng panawagan ngayon ng marami na pababain ang edad para maparusahan ang mga kabataang nagkasala sa batas kasunod ng insidente ng school shooting sa Tacloban City kahapon.

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, hindi maaaring magkomento ang kagawaran tungkol dito bilang bahagi sila ng ehekutibo at hindi ng lehislatura.

Sa ngayon, may mga umiiral aniya na mekanismo sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act para matukoy kung ano ang maaaring pananagutan ng mga ito depende sa kanilang edad at sa mga ebidensiyang makakalap sa imbestigasyon.

Sabi ni Martinez, kung nasa edad 15 at isang araw hanggang wala pang 18 taong gulang ang isang lumabag sa batas, susuriin din kung may tinatawag na discernment o kung alam nito na mali ang kanyang ginawa.

Samantala, hahayaan na muna ngayon ng Justice Department ang mga awtoridad na gampanan ang kanilang tungkulin sa pag-iimbestiga sa insidente.

Facebook Comments