Kamara, walang inihaing reklamo sa Ombudsman laban kay VP Sara

Nilinaw ng House of Representatives na hindi ito nagsampa ng pormal na reklamo sa Ombudsman laban kay Vice President Sara Duterte.

Pahayag ito ni House Spokesperson Atty. Princess Abante kasunod ng utos ng Ombudsman kay VP Sara at sa iba pang kawani ng Office of the Vice President at Department of Education na magpaliwanag ukol sa isyu ng confidential funds.

Nakasaad sa dokumento ng Ombudsman ang Kamara bilang complainant.

Pero ayon kay Abante, pinadalhan lang ng Kamara ang Ombudsman at iba pang kaukulang ahensya ng kopya ng committee report ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong June 16.

Nakapaloob sa committee report ang rekomendasyon na sampahan ng kasong criminal, sibil at administratibo si VP Duterte at iba pang mga sangkot na indibidwal.

Kabilang sa mga kasong tinukoy sa committee report ang technical malversation, falsification, paggamit ng falsified documents, bribery, corruption, plunder, betrayal of public trust and culpable violation of the Constitution.

Facebook Comments