Karambola ng 4 sasakyan sa Benito Soliven, Isabela, 2 Patay, 2 Sugatan!

*Benito Soliven, Isabela- *Patay ang dalawang lalaki habang dalawa ang sugatan nang masangkot sa magkasunod na aksidente sa daan sa Brgy District 1, Benito Soliven, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima at driver ng motorsiklo na si Paulino Vergara, 42 anyos, may asawa, residente ng Brgy. Andabuen, Benito Soliven, Isabela at ang driver ng tricycle na si Rendel Cayanan, 27 anyos, residente naman ng Brgy Cataguing, San Mariano, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Captain Glanery Cabeliza, hepe ng PNP Benito Soliven, unang nasangkot sa aksidente ang driver ng motorsiklo matapos mawalan ng kontrol sa manibela at aksidenteng sumalpok sa isang konkretong bahay na ikinasugat ng backrider nito na si Jessie Arreniego.


Nadaanan naman ito ng driver ng Isuzu Elf at isinakay ang dalawang sakay ng motorsiklo upang dalhin sa pagamutan subalit nang makarating sa bahaging daan ng Brgy District 1, Benito Soliven ay nabangga naman nito ang dalawang kasalubong na Tricycle at Pick-up na minamaneho ni Felipe Domingo.

Kaugnay nito, naisugod pa rin sa pagamutan ng rumespondeng Rescue ang dalawang sakay ng motorsiklo subalit idineklara din na dead on arrival si Vergara habang ang tsuper naman ng tricycle ay binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Providers Hospital.

Dinala na sa himpilan ng PNP Benito Soliven ang suspek maging ang mga nasangkot na behikulo para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda na ng PNP ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Properties na isasampa laban kay Ricardo Collado.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Police Captain Cabeliza ang publiko na itawag agad sa Rescue o sa himpilan ng pulisya kung may mga nakikita o nadadaanang nasasangkot sa aksidente.

Facebook Comments