
Ipinagmalaki ng Malacañang ang mga naging bunga ng diplomatic efforts ng Marcos Administration, kasabay ng pagtitiyak na mananatiling prayoridad ng gobyerno ang kapakanan ng mga Pilipino saan mang panig ng mundo.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, patunay ng Epektibong ugnayang diplomatiko ng administrasyon ang matagumpay na pagtulong sa mga Pilipinong nahaharap sa iba’t ibang suliranin sa ibang bansa.
Kabilang dito ang pagpapauwi sa 24 na Pilipinong na-detine sa Russia sa loob ng siyam na buwan dahil sa isyu sa immigration, pagbabalik sa bansa ni Mary Jane Veloso, at ang pagresolba sa kaso ng 17 Overseas Filipino Workers (OFWs) na inaresto sa Qatar matapos masangkot sa isang hindi awtorisadong pagtitipon noong Marso 2025.
Ayon sa Malacañang, ipinapakita ng mga kasong ito ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na protektahan at tulungan ang mga Pilipino saan man sila naroroon.










