
Cauayan City – Nakakatanggap ng mga reklamo ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) kaugnay ng umano’y umiiral na “palakasan system” sa pagpili ng mga benepisyaryo ng ayuda sa ilang barangay.
Sa panayam ng IFM Newsteam, kay Lope B. Santos III, NAPC Secretary, sinabi nitong may mga natatanggap parin silang sumbong na hindi sila naisama sa listahan ng mga tatanggap ng tulong kahit kwalipikado naman, habang may ilan umanong napipili dahil sa personal na koneksyon sa mga lokal na opisyal.
Gayunpaman, aniya ay agad nilang ipinapaabot ang mga natatanggap na reklamo sa mga implementing agencies upang maimbestigahan at mabigyan ng kaukulang aksyon.
Hinikayat naman ng NAPC ang publiko na ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang anumang iregularidad sa distribusyon ng mga programang pang-ayuda ng pamahalaan.










