
CAUAYAN CITY- Mas pinaigting ng Cauayan City Component Police Station ang seguridad upang mapigilan ang pagpasok at pagbebenta ng mga pekeng sigarilyo sa lungsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Police Lieutenant Colonel Jerry Castillo, Officer in Charge ng Cauayan City Component Police Station, sinabi nito ang bentahan ng pekeng sigarilyo ay hindi lamang nakaaapekto sa koleksiyon ng buwis ng pamahalaan kundi maaari ring magdulot ng panganib sa kalusugan ng publiko dahil hindi dumaraan sa tamang pagsusuri at regulasyon ang mga produktong ito.
Dagdag pa niya nagsasagawa rin ang pulisya ng mga information campaign upang hikayatin ang publiko na maging mapanuri sa pagbili ng sigarilyo at agad na iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na bentahan ng mga pekeng sigarilyo.
Nanawagan ang opisyal sa mga negosyante at mamimili na makiisa sa kampanya laban sa mga pekeng sigarilyo upang mapanatili ang kaayusan sa merkado at maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng komunidad.










