
Nagpaalala ang Korte Suprema sa publiko kabilang na sa mga nasa legal profession na itinuturing na confidential ang animang disciplinary proceedings laban sa isang abogado.
Sa isang pahayag na inilabas ng Office of the Supreme Court Spokesperson, binigyang diin nila na sa umiiral Code of Professional Responsibility and Accountability ay hindi pa ito dapat isapubliko hangga’t wala pang inilalabas na hatol ang Korte.
Nilinaw naman ng Kataas-taasang Hukuman na isasapubliko nila ang mga ito gaya ng mga desisyon sa ibang kaso kapag nagkaroon na ng pinal na hatol.
Maaari din anilang maharap sa parusa kabilang na ang contempt of court ang sinumang maglalabas nito nang walang pahintulot.
Naglabas ng pahayag ang SC matapos kumalat sa social media na umano’y pagpapalinawag na sina Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay at Atty. Ferdinand Topacio kaugnay sa mga naging kontrobersiyal na pahayag nila noon at kung bakit hindi dapat sila patawan ng disbarment dahil sa mga sexist remarks.
Partikular dito ang pagbanggit ni Suntay kay Anne Curtis sa gitna ng pagdinig ng House Committee on Justice sa articles of impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Damay naman si Topacio nang talakayin sa kaniyang programa ang isyu kung saan nagbigay pa ito ng mga kontrobersiyal na pahayag laban sa kapatid ng aktres na si Jasmie Curtis at kay Gabriela Rep. Sarah Elago na umano’y pinagnasahan niya nang magkita sila sa isang pagdinig sa Department of Justice (DOJ).










