
Mariing itinanggi ng Malacañang na may impluwensya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng reklamong isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.
Giit ng Palasyo, malinaw ang mandato ng NBI kahit ito’y nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ), at hindi ito dinidiktahan ng pangulo.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mababaw ang alegasyong inuugnay ang pangulo sa imbestigasyon, lalo’t tungkulin ng NBI na aksyunan ang anumang banta.
Binigyang-diin din ni Castro na hindi iilang tao lang ang nakarinig sa umano’y pagbabanta laban sa pangulo, First Lady, at kay dating House Speaker Martin Romualdez, kundi maging ang publiko.
Iginiit ng Malacañang na dapat seryosohin ang anumang bantang may kinalaman sa seguridad ng pangulo at agad itong imbestigahan.










