
Sa unang pagkakataon, itinuro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang administrasyong Duterte sa umano’y kabiguang papanagutin ang mga nasa likod ng mga maanomalyang flood control project.
Ayon sa pangulo, bagama’t kinilala na noon na may problema sa mga proyekto, walang napanagot sa mga responsable kaya ang kanyang administrasyon na ang kumikilos upang habulin ang mga sangkot.
Aminado naman si Pangulong Marcos na hindi pa sapat ang nagagawa ng pamahalaan sa imbestigasyon ng korapsyon.
Pinalagan din ng pangulo ang mga panawagang patalsikin siya sa pwesto dahil sa alegasyong sangkot siya sa malawakang anomalya.
Mariin ding itinanggi ni Pangulong Marcos ang alegasyong selective justice o namimili lang ang administrasyon ng dapat papapanagutin sa isyu.
Giit niya, ang lahat ng isinasampang kaso at iba pang hakbang ng pamahalaan ay nakabatay sa resulta ng imbestigasyon at hindi sa pulitika.










