Friday, July 3, 2026

13 truck ng basura, nakolekta sa Liwasang Bonifacio

Umabot sa 13 trak o katumbas ng may 40 tonelada ng basura ang nahakot sa paligid ng Liwasang Bonifacio sa Maynila sa nakalipas na 24 oras.

Sa pakikipag-ugnayan ng Manila City Hall Press Club (MCHPC) kay Department of Environment and Public Services (DEPS) Director Kenneth Amurao, sinabi nito na hindi naman sila nahirapan sa pagkolekta ng mga basura mula kahapon ng madaling araw hanggang kaninang umaga.

Dagdag pa ni Amurao, nakaipon naman na ang karamihan sa mga kinolekta nilang basura na pawang mga pinagkainan at mga lalagyan ng inumin.

Aniya, nagtalaga sila ng mga lugar sa Liwasang Bonifacio kung saan pwedeng iwan ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ang basura kaya madali nila itong nahakot.

Matatandaan na nagsagawa ng kilos-protesta noong Martes ng umaga, June 30, ang mga miyembro ng INC sa Liwasang Bonifacio na pinalitan ng mga raliyista galing sa Batangas pagsapit ng hapon at nanatili sa lugar hanggang kahapon, July 2.

Sa ngayon, sinabi ni Amurao na tuluyan nang nalinis ang Liwasang Bonifacio na isinailalim sa flushing o paglilinis gamit ang tubig.

Facebook Comments