
Arestado ng mga operatiba ng CIDG Batangas ang isang lalaki sa isinagawang paihi operation ng produktong petrolyo sa Brgy. Mataas na Bayan, Lemery, Batangas.
Kinilala ang suspek na si alyas “Juan,” 38 years old at isang truck driver.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang tanker truck na dala ng suspek ay galing sa Brgy. Sinisian West, Lemery, Batangas at ide-deliver sana sa Bacoor, Cavite.
Ngunit ito ay huminto sa Brgy. Mataas na Bayan sa may Lemery, Batangas kung saan isinagawa ang umano’y ilegal na pagsasalin ng walang permit mula sa mga awtoridad.
Dito na kinumpiska ang isang trailer tanker na naglalaman ng 40,000 liters ng produktong petrolyo, 28 intermediate bulk containers na naglalaman ng 20,000 liters, aluminum bucket, discharge hose, water pump na may hose at walang laman na mga container.
Tinatayang nasa higit 11 milyong pisong halaga ng mga ebidensya ang nasabat sa nasabing operasyon.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kaukulang kaso.










