Monday, April 27, 2026

BRC, dapat nang magpatawag ng pagdinig at paharapin si ex-speaker Romualdez

Kinalampag ni Rodante Marcoleta si Senate President Pro Tempore Ping Lacson na agad magpatawag ng pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee at paharapin si dating House Speaker Martin Romualdez.

Kaugnay ito ng video message ni Romualdez kung saan sinabi niyang hindi siya ang mastermind ng umano’y maanomalyang flood control projects.

Iginiit ni Marcoleta na matapos gumawa ng public statement si Romualdez, lalo pang may dahilan upang magpatawag ng pagdinig, lalo’t napa-freeze na umano ng Court of Appeals (CA) ang mga assets ng dating Speaker.

Ayon pa kay Marcoleta, malinaw umanong handa nang magsalita si Romualdez matapos sabihin na hindi siya ang mastermind sa anomalya at wala rin itong tahasang pagtanggi sa pagkakasangkot sa isyu.

Gayunman, sinabi niyang sa halip na agad magpatawag ng pagdinig ay marami pang hinihinging kondisyon si Lacson bago maituloy ito, kabilang ang paglagda muna sa partial committee report.

Dagdag pa ni Marcoleta, lalagda lamang siya sa partial committee report ng Blue Ribbon Committee kapag natapos na ito at naipatawag ang mga kailangang resource persons sa imbestigasyon.

Facebook Comments