
Nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon sa Albay matapos na magbuga ng makapal na usok kahapon kasunod ng Pyroclastic Density Current event.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ibig sabihin nito ay mataas pa rin ang aktibidad ng bulkan at may pagdaloy ng lava at mahihinang aktibidad.
Nakapagtala rin ng 32 volcanic earthquakes kabilang ang 25 na pagyanig na may 2 hanggang 15 minuto ang haba.
Nasa 284 naman ang rockfall events at 14 na Pyroclastic Density Current signals habang aabot sa 1,586 tonelada ng asupre o sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan.
Sabi pa ng Phivolcs, patuloy na nakikitaan ng katamtamang pagsingaw ang Bulkang Mayon patungong kanluran-hilagang kanluran habang nagsisimula namang mamaga ang hilagang-silangang bahagi nito.
Patuloy namang pinag-iingat ang publiko kaugnay sa masamang epekto ng ashfall sa kalusugan ng tao.
Samantala, agad nagsagawa ng clearing operations ang Department of Public Works and Highways sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Camalig, Albay para masiguro ang kaligtasan ng mga motorista.










