LALAKI NA NALUNOD SA PIAT, CAGAYAN, KASALUKUYANG PINAGHAHANAP

18
Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan ang ginagawang paghahanap ng mga otoridad at volunteers sa isang binatang nalunod sa Chico River sa boundary ng bayan ng Piat at Tuao, Cagayan.

Sa ibinahaging impormasyon ng Cagayan Provincial Information Office, pasado alas 12:00 ng tanghali kahapon, Abril 30, 2022 nang nagtungo ang biktimang si Mark Jemenic Costales, 20 taong gulang at residente ng Brgy. Fugu, Tuao sa ilog kasama ang kanyang mga pinsan para maghugas ng mga kaldero.

Pagkatapos ng kanilang paghuhugas ay tumawid umano ang biktima sa ilog papunta sa kalapit na barangay.

Ngunit nang pabalik na ang grupo ng biktima ay dumaan na sila sa ibang parte na ng ilog kung saan napunta sa malalim na parte ang biktima na sanhi ng kanyang pagkalunod.

Hindi na nagawang mailigtas ng kasamahan ang biktima dahil sa lakas ng agos ng tubig.

Agad namang rumesponde ang kawani ng MDRRMO katuwang ang Task Force Lingkod Cagayan sa paghahanap sa biktima subalit hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring pinaghahanap ang katawan ng biktima.

Facebook Comments