
Inihain ni Senate Committee on Finance Chairman JV Ejercito ang dalawang panukalang batas na layong palakasin ang transparency at accountability at mabigyan ang publiko ng mas malaking papel sa paggastos ng gobyerno sa pambansang pondo.
Ang mga ito ay ang Senate Bill 2576 o ang Bantay Budget Act at Senate Bill 2577 o ang Grassroots Participatory Budgeting Act.
Layon ng Bantay Budget Act na ma-institutionalize at makapagtatag ng mekanismo para sa partisipasyon ng mga civil society organizations sa paghahanda at pag-otorisa ng taunang national budget.
Samantala, ang Grassroots Participatory Budgeting Act naman ay layong maisabatas ang bottom-up approach para sa development planning at budgeting at para matiyak na ang mga tukoy na pangangailangan ng mga komunidad at mga prayoridad na proyekto ay kasama na sa local at national government spending plans.
Ayon kay Ejercito, nais ng Senado na magkaroon ng makabuluhang papel ang mga CSOs sa pagbusisi sa budget ng mga ahensya ng gonbyerno, sa mga katanungan na dapat sagutin ng mga opisyal at kung anong mga prayoridad na dapat gawin ng gobyerno.
Dagdag pa ng senador, mahalaga ang ambag ng mga civil society organizations sa pagbuo ng pambansang pondo dahil sila ang direktang nakikipag-ugnayan sa mga komunidad at ang kanilang karanasan ay makakatulong sa mga mambabatas para malaman kung ang alokasyon ay tunay na makakatugon sa aktwal na pangangailangan ng mga mamamayan.










