
Isang Chinese national at dalawa Malaysian national ang itinuturong mastermind sa isang nadiskubreng malaking parcel scam hub na sinalakay ng Philippine National Police (PNP) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa ika-15 palapag ng isang gusali sa Cuneta Avenue, Pasay City ngayong Martes, November 3.
Na-rescue ang higit 150 foreign nationals na kinabibilangan ng Vietnamese, Malaysian, at Indonesian, at kapwa Chinese na inakalang magiging virtual assistant (VA) ang trabaho sa Pilipinas ngunit magiging scammer pala.
Nabulgar ang modus kung saan ginagamit ang mga pekeng Vietnamese at Indonesian police uniforms sa binuong booth na ginawang kamukha ng tunay na police stations.
Ayon sa CIDG, nag-uumpisa ang modus sa pagpapadala ng pekeng parcel na sasabihing bayad na upang tanggapin ng biktima, bago ito tatawagan ng isang nagpapanggap na “bad cop” na tatakuting damay sila sa nahuling courier dahil may lamang kontrabando ang parcel.
Lilipat naman ang usapan sa isang “good cop” sa video call na kukumbinsi sa biktimang ilipat ang kanilang pera sa isang “safe account” upang hindi umano ma-freeze ng gobyerno ang kanilang ari-arian.
Bumagsak ang naturang cybercrime hub matapos makatakas ang tatlong Indonesian nationals na nagpatulong sa kanilang embahada upang tulungan ang mga kapwa nila biktima na nakararanas ng pananakit mula sa mga mastermind.
Tatlong buwan pa lamang ang naturang scam hub at hindi Pilipino ang kanilang binibiktima kundi tanging mga foreign national lamang.
Nakalap din sa raid ang mga nakuhang listahan ng database kung saan nakatala ang mga listahan ng bibiktimahing senior citizens at business owners sa Vietnam, Malaysia, Indonesia at China.










