
Pormal nang inendorso ng 15 Chief Prosecutors sa Metro Manila si Supreme Court Associate Justice Rodil Zalameda bilang susunod na Chief Justice dahil sa kahusayan niya sa batas, pamumuno at malinis na record sa public service.
Batay sa Resolution No. 03, Series of 2026, sinabi ng NCR Chief Prosecutors Association Incorporated na si Zalameda ang pinakakuwalipikadong kapalit ni Chief Justice Alexander Gesmundo na nakatakdang magretiro sa November 6.
Kabilang sa mga lumagda sa resolusyon o endorsement sina Chief Prosecutors Ma. Aileen Guño ng Caloocan; Marylin Cynthia Fatima Madamba-Luang ng Las Piñas; Dindo Venturanza ng Makati; Rennet Evangelista ng Malabon; at Elinore Concepcion Aquino-Laluces ng Mandaluyong.
Kasama rin sina Chief Prosecutors Giovanne Lim ng Manila; Laurence Joel Taliping ng Marikina; Aileen Marie Gutierrez ng Muntinlupa; Armando Cavalida ng Navotas; at Benjamin Vermug Jr. ng Parañaque.
Kabilang rin sa pumirma ay sina Chief Prosecutors Elmer Cris Rillo ng Pasay; Rey Camilo Dumlao II ng Pasig; Vimar Barcellano ng Quezon City; Vincent Villena ng Taguig at Lemuel Nobleza ng Valenzuela.
Nabatid na si Zalameda ay nagsimula bilang prosecutor sa Mandaluyong noong 1995 saka naging City Prosecutor noong 2002 at nagsilbi rin bilang mahistrado ng Court of Appeals sa loob ng 11 taon bago italaga sa Korte Suprema noong 2019 at kauna-unahang dating City Prosecutor na naging Supreme Court Justice.
Ipinaliwanag ng grupo na taglay ni Zalameda ang karanasan, mahusay na trabaho at malinis na rekord na kailangan upang pamunuan ang hudikatura at mapanatili ang tiwala ng publiko.










