LALAKING NANAKOT UMANO SA TRAFFIC ENFORCER HABANG SINISITA SA TRAFFIC VIOLATION, ARESTADO

Arestado ang isang 33 anyos na lalaki matapos umanong magbanta sa isang traffic enforcer habang sinisita dahil sa paglabag sa batas-trapiko sa Bayambang, Pangasinan.

Batay sa imbestigasyon, nagsasagawa ng tungkulin ang biktimang traffic enforcer bandang alas-11:45 ng umaga nang mapansin nito ang isang pulang Rusi motorized tricycle o “kulong-kulong” na walang plaka na pumasok sa isang one-way o no-entry lane. Dahil dito, pinara niya ang sasakyan at ipinaliwanag ang paglabag sa drayber.

Gayunman, naging mayabang umano ang asal ng drayber habang kinakausap ang enforcer. Matapos matanggap ang traffic citation ticket, ang back rider umano ay gumawa ng nakakatakot na kilos sa pamamagitan ng pagdampi ng kamay sa kanyang leeg na tila pagbabanta ng pagpatay laban sa traffic enforcer.

Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang enforcer sa pamamagitan ng radyo sa mga kasamahang nakatalaga sa posibleng ruta ng mga suspek. Kalaunan ay naharang ng isa pang traffic enforcer ang naturang sasakyan at positibong kinilala ang suspek.

Humingi rin sila ng tulong sa Highway Police Assistance Desk (HI-PAD) na siyang nagsagawa ng pag-aresto sa wanted person. Dinala muna sa pagamutan ang mga suspek para sa medical examination bago itinurn-over sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments