LIMANG SANGKOT SA “BINGO RAFFLE SA BARANGAY” TIMBOG SA PANGASINAN

Limang indibidwal ang inaresto sa magkakahiwalay na anti-illegal gambling operations noong Mayo 28, 2026 dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1602 o batas laban sa ilegal na sugal.

Sa Rosales, alas-10:30 ng umaga, naaresto ang isang 61 anyos na pedicab driver matapos makumpiskahan ng 15 piraso ng “Bingo Raffle sa Barangay” papelitos, laminated ID, bolpen, at ₱1,200 na pustang pera.

Bandang alas-11:00 naman ng umaga sa Binalonan, inaresto ng Binalonan MPS kasama ang RID PRO1 at PIU PANGPPO ang isang 60 anyos na umano’y “kabo.” Nasamsam ang bingo cards, papelitos na may number combinations, laminated ID, bolpen, at bet money.

Sa Alcala, alas-11:10 ng umaga, nadakip ang isang 44 anyos na lalaki matapos maaktuhan sa ilegal na “Bingo Raffle sa Barangay.” Nakuha sa kanya ang bingo cards, folded papelitos, ID card, uniporme, mga barya, at pustang pera.

Samantala, alas-6:45 ng gabi, isa pang 38-anyos na lalaki ang naaresto sa Alcala sa operasyon ng Alcala MPS, RIU at PIU. Nasamsam ang bingo raffle cards, papelitos, ID card, uniporme, bolpen, at bet money.

Habang alas-7:45 ng gabi naman sa Mendoza Street, Brgy. Poblacion, Binalonan, naaresto ang isang 37 anyos na lalaki. Nakuha mula sa kanya ang bingo raffle papelitos, laminated ID, bolpen, chaleco na may marka ng “Bingo Raffle sa Barangay,” at pustang pera.

Dinala ang lahat ng suspek at nakumpiskang ebidensya sa kani-kanilang himpilan ng pulisya para sa tamang disposisyon at pagsasampa ng kaso. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments