
Muling naglilibot ang mga water tanker ng Manila Disaster Risk Reduction Management Department (DRRMD) at Manila Department of Engineering and Public Works sa ilang bahagi ng lungsod.
Ito’y upang ipagpatuloy ang misting operations na naglalayong maibsan ang nararanasang init sa mga pangunahing lansangan at mga matataong lugar.
Sa kabila ito ng tinatayang pagpalo ng hanggang 43 degree celsius na mararamdamang init sa ilang bahagi ng Maynila lalo na mamayang alas-2:00 ng hapon.
Base sa datos ng Manila DRRMD, umabot sa 40 degree celsius ang heat index kaninang alas-11:00 ng umaga.
Mula naman alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-5:00 ng hapon ay papalo ang temperatura mula sa pagitan ng 40 at 43 degree celsius.
Kasama naman sa mga lugar na inikot ng mga tauhan ng Manila Local Government Unit (LGU) para sa misting operations ang mga kalye sa Tondo, San Andres, Malate, Sta. Mesa at iba pa.










