LTFRB, nag-isyu ng preventive suspension order at show cause order laban sa operator ng bus na sangkot na malagim na aksidente sa Polangui, Albay

Nag-isyu ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ng preventive suspension order at show cause order laban sa operator ng public utility bus na sangkot na malagim na aksidente na ikinasawi ng tatlong indibidwal sa Polangui, Albay, Bicol Region.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na tinitiyak ng ahensiya na magbibigay sila ng kasiguraduhan na seryoso nilang aaksyunan ang insidente at magsasagawa ng parallel investigation upang matiyak na may mananagot at maipatutupad ang karampatang parusa upang mabigyan ng hustisya ang mga kamag-anak ng biktima sa malagim na aksidente.

Agad na inatasan ni Chairman Guadiz ang Passenger Accident Management and Insurance o PAMI na agad na pabilisin ang proseso at ilabas kaagad ang insurance claims para sa lahat ng mga biktima.

Giit pa ni Guadiz na hindi nito kukunsintihin ang anumang kapabayaan ng operator ng pub na nagbigay ng kapahamakan sa seguridad ng publiko.

Kinumpirma naman ni LTFRB Spokesperson Atty. Ariel Inton na ang mga nasawing pub driver at pasahero na sangkot sa aksidente ay makatatanggap ng P400,000 bawat isa ng insurance compensation.

Habang ang ibang apektadong pasahero ay makatatanggap ng insurance payouts base mga tinamo nilang pinsala sa katawan.

Tinitiyak ng LTFRB sa publiko na magpapatuloy ang kanilang commitment sa kaligtasan ng mga pasahero at magpatutupad ng mahigpit na mga panuntunan sa pampublikong transportasyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na i-upgrade ang transportation system.

Facebook Comments