
Inaasahan na ngayong linggo ay magsusumite ang defense team ni Vice President Sara Duterte ng request para sa pag-i-isyu ng subpoena sa mga testigong ihaharap sa muling pagpapatuloy ng impeachment trial sa Lunes, November 9.
Ayon kay Senate Impeachment Clerk of Court Atty. Renato Bantug Jr., wala pa naman silang natatanggap na request mula sa depensa sa mga oras na ito.
Sinabi pa ni Bantug na nag-isyu na rin sila ng advisory para sa paglilitis at napaalalahanan na rin ang defense team na magsumite ng listahan ng mga testigo.
Batay aniya sa impeachment rules, limang araw bago ang pagharap sa testigo sa Impeachment Court ay kailangang makapagsumite ng request for subpoena.
Kung boluntaryo naman ang witness, hindi na nito kailangan ng subpoena pero kailangang abisuhan lamang ang korte at kabilang panig tulad sa testigo ng prosekusyon noon na hindi na kinailangan ng subpoena sa paghaharap ng financial expert dahil voluntary naman ito.
Sa susunod na linggo na ang muling pagpapatuloy ng impeachment trial kung saan depensa ni VP Sara naman ang maglalatag ng mga dokumento at testigo at inaasahang sasagutin at dedepensahan ang Article 2 o ang hindi maipaliwanag na yaman at hindi tamang pagdedeklara ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise.










