
Inaasahang magiging mas matatag ang suplay ng kuryente sa bansa sa pagpapalakas ng sariling pinagkukunan ng natural gas.
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa seremonya ng unang pagpapadaloy ng natural gas mula sa Malampaya Phase 4 sa Batangas City.
Ayon sa pangulo, makatutulong ang karagdagang suplay ng natural gas upang mabawasan ang pagdepende ng Pilipinas sa inaangkat na enerhiya na apektado ng pagbabago ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Mahalaga aniya ang pagpapaunlad ng sariling pinagkukunan ng enerhiya dahil mahigit kalahati ng suplay ng enerhiya ng bansa noong nakaraang taon ay nagmula sa ibang bansa.
Sa pamamagitan ng Malampaya Phase 4, inaasahang madaragdagan ng 222 billion cubic feet ang mababawi pang reserba ng natural gas ng bansa.
Tinatayang katumbas ito ng 31.46 bilyong kilowatt-hours na kuryente, na sapat para sa pangangailangan ng mahigit 13 milyong kabahayan sa loob ng isang taon.
Inaasahan ding mapahahaba nang humigit-kumulang anim na taon ang operasyon ng Malampaya dahil sa dalawang bagong balon ng natural gas.










