Tuesday, November 24, 2026

Undas 2026, generally peaceful ayon sa PNP

Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na naging mapayapa at maayos sa pangkalahatan ang paggunita ng Undas sa buong bansa.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., ang nasabing assessment ay nagpapakita ng disiplina ng mga tauhan nito at ng kooperasyon ng publiko.

Aniya, ang maayos na sitwasyon ay bunga ng maagang pagpaplano, mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya, at estratehikong pagtatalaga ng mga tauhan sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng maraming tao.

Nabatid na nag-deploy ang PNP ng higit 166,000 na mga pulis, support units at mga force multiplier sa buong bansa upang magbantay sa mga sementeryo at columbarium, simbahan, mga pangunahing kalsada, transport hub, mga destinasyong panturista, at mga checkpoint.

Kinilala naman ni Nartatez ang sakripisyo ng lahat ng pulis na nagdiwang ng okasyon nang malayo sa kanilang mga pamilya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Pati na ang katuwang na mga ahensya at mga force multipliers sa kanilang naging kontribusyon naman sa mga operasyong panseguridad sa buong bansa sa panahon ng Undas.

Facebook Comments