LTO, magde-deploy ng special teams na manghuhuli sa mga kakarag-karag na public at private vehicles sa bansa

Pupuntiryahin na rin ng Land Transportation Office (LTO) ang mga kakakarag-karag na sasakyan na mapa-pampubliko o pampribado.

Ayon kay LTO Chief Asec. Vigor Mendoza, alinsunod ito sa kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos maging ni Department of Transportation o DOTr Secretary Vince Dizon na unahin ang road safety.

Sa ilalim aniya kasi ng Republic Act 4136 o Land Transportation and Tariff Code, kabilang sa mga dapat hulihin ay ang mga unsightly, unsafe o unfit sa operasyon.

Kabilang dito ang may tanggal na bumper, basag-basag ang salamin maging ang ilaw ng sasakyan o bumubuga ng makapal na usok.

Ani Mendoza, kapag nakakita sila ng ganito sa kalsada ay mag-iisyu sila ng show cause order laban sa may-ari ng sasakyan.

Kapag bumagsak din sa road worthiness test ay papatawan nila ng multa ang mga may-ari.

Magpapakalat aniya sila mga speacial teams sa buong bansa para simulan ang pagsita ng mga tauhan ng LTO.

Maliban pa rito, bubuo rin sila ng teams para sa palagiang pagsasagawa ng random drug testing maging ng alcohol test.

Facebook Comments