
Babantayin rin ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) ang takbo ng halalan sa Mayo kasunod ng mga naitatalang election related incidents sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa isang isang online press conference, sinabi ni ICHRP Vice Chairperson Patricia Lisson na naglunsad sila ng International Observer Mission na mag-momonitor sa dumaraming kaso ng election related incidents sa bansa lalo na sa mga liblib na komunidad.
Sa ulat ng Commission on Elections o Comelec, 46 na mga kaso ng political violence ang naitala mula January 12 hanggang April 11 habang nangunguna pa rin ang red-tagging sa mga pangunahing isinusumbong sa komisyon.
Binubuo ng iba-ibang opisyal at Non Government Organization o NGO mula sa iba’t ibang bansa ang nasabing misyon na inaasahang tutugon at magbibigay linaw sa mga kaso ng state-sponsored harassment, election-related killings, red-tagging at fraud.
Pagtutuunan ng pansin ang mga liblib na lugar at ang isyu ng posibleng digital election manipulation.