
Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngayong tanghali sa 12 Visayas governors sa Cebu para sa implementasyon ng pagbebenta ng P20 na kada kilo ng bigas sa rehiyon.
Sa press conference sa Cebu, inanunsyo ni Department of Agriculture (DA) Secretary Tiu Laurel na nasa hanggang 10 kilo ng bigas ang maaaring mabili ng mga taga-Visayas kada linggo o katumbas ng 40 kilos na bigas sa isang buwan.
Ayon kay Laurel, napagkasunduan nilang sa Visayas region simulan ang implementasyon nito dahil mas marami ang nangangangailangan ng murang bigas sa lugar, pero ipatutupad din naman ito, kalaunan sa buong bansa.
Isa rin aniya sa dahilan ay maraming imbak na bigas sa rehiyon, partikular sa Iloilo.
Sa kasalukuyan aniya ay mayroong 358,000 na toneladang bigas sa iba’t ibang warehouses na kailangang maipalabas dahil panahon ng anihan.