
Hinamon ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang mga awtoridad na ilabas sa publiko ang valid warrant of arrest, mga dokumento, legal na batayan, at prosesong sinusunod sa pagpapaaresto kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Tugon ito ni Duterte sa pahayag ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na may valid warrant of arrest na siyang batayan ng pagtugis kay Dela Rosa.
Kantyaw ni Rep. Pulong kay Castro, “Section Marang Row 10” ito, na nangangahulugang sablay umano ang mga dahilan nito o mali ang kanyang pang-unawa.
Pinuna rin ni Congressman Duterte ang paulit-ulit na press briefing ng administrasyon, na para bang ang mikropono at podium na mismo ang nagsisilbing warrant of arrest.
Paalala ni Congressman Pulong sa kapulisan, malinaw umano sa batas na ilegal ang pag-aresto kung walang warrant. Aniya, tulad ng nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na dinala sa The Hague, kidnapping din umano ang planong gawin kay Senator Bato.
Payo ni Duterte sa mga pulis na isipin ang Konstitusyong dapat nilang ipagtanggol at ang kanilang sinumpaang tungkuling protektahan ang mga Pilipino, sa halip na magpagamit umano sa planong pagdukot kay Senator Bato.










