
Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) nang 90 araw ang lisensya ng motorcycle rider na sangkot umano sa hit-and-run sa sasakyan ng isang TV host sa Antipolo City.
Naglabas na rin ang LTO ng Show Cause Order laban sa rehistradong may-ari at rider ng motorsiklo at pinapaharap sila sa Intelligence and Investigation Division sa Oktubre 9 para magpaliwanag at magsumite ng mga kaukulang dokumento.
Kabilang sa mga posibleng paglabag ang reckless driving at hindi pagtupad sa tungkulin ng isang driver matapos masangkot sa aksidente.
Maaari rin umanong maharap ang rider sa kasong Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Inatasan din ang rider na agad isuko ang kanyang driver’s license habang inilagay naman sa alarm ang motorsiklong sangkot sa insidente.
Inimbitahan din ng LTO ang TV host para magbigay ng kanyang pahayag bilang bahagi ng imbestigasyon.
Paalala ni LTO Chief Asec. Markus Lacanilao, hindi maaaring basta umalis ang isang motorista matapos masangkot sa aksidente dahil may proseso at pananagutang kailangang harapin.










