MAG-ASAWANG WANTED SA KASONG ESTAFA, ARESTADO SA ALAMINOS CITY

Inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Alaminos City Police Station (CPS) at Regional Intelligence Division ng PRO1 ang dalawang indibidwal na may nakabinbing kaso sa isinagawang operasyon noong Hunyo 17, 2026, bandang alas-8:46 ng umaga sa Alaminos City, Pangasinan.

Kinilala ang mga naaresto bilang isang 51-anyos na babaeng guro at isang 49-anyos na lalaking walang trabaho. Kapwa sila may asawa at residente ng Alaminos City.

Isinagawa ang pag-aresto batay sa Target Intelligence Packet (TIP) na may Control No. ACPS2026-06-17-01 at sa bisa ng Warrant of Arrest para sa paglabag sa Article 315 (1)(B) ng Revised Penal Code o Estafa, na inamyendahan ng Republic Act No. 10951. Ang kaso ay nakarehistro sa Criminal Case No. 11509 na may petsang Hunyo 15, 2026, at may inirekomendang piyansang nagkakahalaga ng ₱18,000.00.

Matapos ang pag-aresto, dinala ang mga akusado sa Alaminos CPS kung saan sila kasalukuyang sumasailalim sa dokumentasyon at iba pang kaukulang proseso bago iharap sa tamang hukuman. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments