Wednesday, June 17, 2026

Acting Senate President Win Gatchalian, umapela sa lahat ng senador na dumalo sa special session

Nanawagan si Acting Senate President Win Gatchalian sa lahat ng mga senador na dumalo sa special session na gaganapin ngayong alas nuebe ng umaga.

Tinitiyak ni Gatchalian na sisipot sa special session ang 12 senador ng tinaguriang Gatchalian Bloc.

Umaasa naman ang senador na makikinig sa panawagan ang kabilang kampo ng Cayetano faction bagama’t hindi niya nakausap ang mga ito.

Pagsapit ng alas onse ng umaga ay sususpendihin ang sesyon para makapag-convene ang Commission on Appointments (CA) kung saan kumpletong darating ang lahat ng mga kongresistang kasapi ng CA.

Pagkatapos nito ay muling babalik sa plenary session ang mga senador pagsapit ng hapon para talakayin ang mga panukalang batas na kailangang madaliin.

Kabilang sa inaasahang aaprubahan ngayon ang resolusyon para sa dagdag na tulong sa mga biktima ng lindol sa Mindanao gayundin ang National Center for Geriatric Health o ospital para sa mga nakatatanda; pagsasabatas ng Assistance to Individuals in Crisis, pagpapalawak ng ng GASTPE o Government Assistance to Students and Teachers in Private Education at panukala para sa Filipino citizenship ng dalawang atleta.

Matatandaang naunang kinumpirma ni Senator Joel Villanueva ang pagdalo sa special session para gampanan ang tungkulin at mandato bilang isang senador.

Facebook Comments