Thursday, June 18, 2026

PRO 1, APAT NA MOST WANTED PERSONS ARESTADO SA BENGUET, LA UNION AT ILOCOS SUR

Matagumpay na naaresto ng Police Regional Office 1 (PRO 1) ang apat na most wanted persons sa isinagawang pinaigting na manhunt operations noong Hunyo 15 hanggang 16, 2026 sa mga lalawigan ng Benguet, La Union, at Ilocos Sur.

Sa Baguio City, nasakote ang ika-10 Most Wanted Person ng rehiyon, isang 55-anyos na residente na nahaharap sa tatlong bilang ng kasong Estafa through Falsification of Document. Pinangunahan ng 102nd Maneuver Company ng RMFB1, katuwang ang iba pang intelligence at law enforcement units, ang operasyon.

Sa bayan ng Caba, La Union, naaresto naman ang ika-10 Most Wanted Person ng lalawigan, isang magsasaka na may kasong Homicide at may inirekomendang piyansang ₱120,000.

Samantala, sa Bauang, La Union, nahuli rin ang isang delivery rider na itinuturing na Top 1 Most Wanted Person ng bayan sa pamamagitan ng operasyon ng Bauang Municipal Police Station at La Union Provincial Investigation and Detective Management Unit.

Sa Sto. Domingo, Ilocos Sur, naaresto ang ikalawang Most Wanted Person ng bayan na nahaharap sa mga kasong Illegal Recruitment at Estafa, na may kabuuang inirekomendang piyansang ₱140,000.

Ayon kay Police Brigadier General Jovencio S. Badua Jr., Acting Regional Director ng PRO 1, patunay ang mga matagumpay na operasyong ito na walang puwang ang mga nagtatangkang takasan ang batas.

Aniya, magpapatuloy ang pinaigting na kampanya laban sa mga wanted persons upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at tiwala ng publiko sa sistemang pangkatarungan.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang apat na naaresto habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at paghahanda para sa kanilang pagharap sa mga hukuman na naglabas ng mga warrant of arrest. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments