Posibleng maramdaman ng mga mamimili ang paggalaw sa presyo ng ilang gulay matapos maapektuhan ang produksyon ng mga pananim dahil sa nagdaang masamang panahon ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).
Ayon sa panayam ng IFM News kay Engr. Rosendo So, Chairman ng SINAG, napilitan ang ilang magsasaka na magsagawa ng force harvesting upang mailigtas ang kanilang mga pananim noong mga nagdaang bagyo.
Aniya, nakatulong rin naman umano ang mga pag-uulan sa pagsasaka partikular sa mga pananim na nangangailangan ng sapat na suplay ng tubig.
Matatandaang isa sa hinaing ng mga magsasaka tuwing tagtuyot ang kakulangan ng sapat na patubig sa kanilang mga sakahan ngunit ngayong tag-ulan, pagsubok naman sa kanila ang sobrang tubig na maaari namang makasira sa kanilang mga pananim.
Sa ngayon, posibleng maging mahalagang salik ang kalagayan ng panahon at dami ng suplay mula sa mga sakahan sa magiging galaw ng presyo ng gulay sa mga pamilihan sa mga susunod na araw.| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







