
Nasabat ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mahigit P10 milyon halaga ng ilegal na sigarilyo sa tatlong magkakahiwalay na operasyon sa bansa.
Noong April 20, sa dalawang warehouse sa Brgy. Parada, Valenzuela City, narekober ang iba’t ibang sigarilyo na walang BIR tax stamps at mga sako ng pinatuyong tobacco leaves na nagkakahalaga ng P5,795,000.
Sa parehong araw, nahuli sa Brgy. Baringon, Tugbungan, Zamboanga City ang isang utility vehicle na may kargang iba’t ibang brand ng sigarilyo na walang graphic health warning labels at kaukulang dokumento. Tinatayang aabot sa higit P3.6 milyon ang halaga ng mga nakumpiska, at naaresto ang dalawang suspek.
Samantala, noong April 21 sa Bacolod City, Negros Occidental, naaresto ang tatlong suspek sa buy-bust operation habang nagbebenta ng assorted na sigarilyo na walang tax stamps at health warnings na nagkakahalaga ng P1.2 milyon.
Nahaharap sa mga kaukulang kaso ang mga naarestong indibidwal.










