Friday, April 17, 2026

Pormal na kautusan sa suspensyon ng excise tax sa LPG at kerosene, inilabas na ng Malacañang

Inilabas na ng Malacañang ang pormal na kautusang nagsususpinde ng excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene bilang tugon sa mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sa Executive Order No. 114 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nakasaad na tatlong buwan munang walang excise tax ang LPG at kerosene, batay sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Hindi kasama sa suspensyon ang LPG na ginagamit sa petrochemical production at transport fuel, gayundin ang kerosene na ginagamit bilang aviation fuel.

Buwan-buwan namang rerepasuhin ang polisiya at maaaring palawigin, baguhin, o ihinto depende sa rekomendasyon ng DBCC.

Awtomatikong ibabalik ang excise tax kapag bumaba na ang presyo ng langis sa itinakdang antas o natapos ang tatlong buwang suspensyon.

Inatasan ang Department of Energy (DOE), Department of Finance (DOF), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Bureau of Customs (BOC) na tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng EO at sapat na suplay ng mga apektadong produktong petrolyo.

Facebook Comments