Tuesday, May 26, 2026

Sesyon sa Senado, naging magaan at masaya ang simula ngayong hapon

Magaan ang naging pagsisimula ng sesyon ngayong hapon dito sa mataas na kapulungan ng kongreso matapos na mag-manifest sa plenaryo si Senator Lito Lapid.

Bihira man tumayo para magsalita si Lapid pero kanina ay nanawagan ang senador sa mga kasamahan na magkaisa na at iwasan na ang mga bangayan.

Mula noong May 11 na nagbago ng liderato sa Senado hanggang ngayong linggong ito ay hindi natitigil ang girian sa pagitan ng mayorya at minorya na may kinalaman pa rin sa pagpapalit ng leadership.

Sa manifestation din ni Lapid, iminosyon niya na magkaisa na silang mga senador sabay turo sa mga bisita ngayong araw sa sesyon na ipagdasal sila na maibalik na ang dangal ng Senado.

Naunang nilinaw din ni Lapid ang umuugong na balita na lilipat siya ng mayorya at aniya hinding-hindi siya aalis sa minority bloc.

Tumayo rin sa plenaryo si Senator Pia Cayetano at nagpasalamat kay Lapid na kahit magkaiba na sila ng partido ay nananatili pa rin ang kanilang mabuting pagkakaibigan patunay dito ang buwan-buwan na pagpapadala sa kanya ng maja blanca at suman.

Sinagot naman ito ni Lapid na nais niyang malaman ni Senator Pia na mahal niya ang kasamahan na sinundan ng hiyawan sa sesyon at tumugon naman ng “flying kiss” ang senadora.

Nagkomento naman si Senate President Alan Peter Cayetano na mahal din ba siya ni Lapid dahil bakit maja blanca ang padala sa kanyang kapatid habang siya ay sisig pa rin ang pinapadala ng senador kahit sinabihan niya itong nagmomonitor na siya ng kanyang cholesterol.

Facebook Comments