Monday, May 25, 2026

Maybahay ni Sen. Dela Rosa, nanawagan sa hudikatura na huwag payagang isuko sa ICC ang asawang senador

Umapela ang maybahay ni Senator Bato dela Rosa na si Nancy dela Rosa sa hudikatura na huwag payagang ipadala ang kanyang asawa sa The Hague.

Kinumpirma ng opisina ni Sen. Dela Rosa na post nga ng asawa ng senador ang naturang panawagan.

Sa post ng ginang, nagsumamo itong huwag pumayag ang hudikatura na maging accessory para mapadala ang kanyang asawa sa ICC sa The Hague.

Dapat aniyang litisin sa sariling bansa ang sinumang Pilipinong may kaso at hindi sa international court.

Sinabi pa ni Ginang Dela Rosa na kung papayag na isuko ang isang Pilipino sa ibang bansa ay pag-amin na rin na mahina at walang kakayahan ang judiciary system kaya kinakailangan na manghimasok ang international court.

Iginiit din ng ginang na wala na silang sapat na oras para maghintay pa sa mga teknikal na argumento at debate at sa bawat sandali na walang desisyon ang hukuman ay mas lalong nalalagay sa alanganin si Sen. Dela Rosa.

Dagdag pa ng asawa ng senador na tulad sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dapat matuto na ang pamahalaan at huwag isuko ang isa nanamang Pilipino sa ICC.

Facebook Comments