Wednesday, May 27, 2026

PBBM, pinakilos na ang mga gabinete laban sa matinding El Niño

Pinakikilos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang gabinete para paghandaan ang posibleng matinding epekto ng El Niño sa bansa.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, pinag-aaralan na ng pamahalaan ang mga hakbang na dapat ipatupad dahil posibleng makaranas ang bansa ng matinding El Niño sa mga susunod na buwan.

Nirerepaso na rin aniya ang mga naging tugon noon sa El Niño upang malaman kung alin sa mga ito ang naging epektibo at maaaring muling gamitin para mabawasan ang epekto ng tagtuyot sa mga mamamayan at ekonomiya.

Nauna nang sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na malaki ang posibilidad na maranasan ng bansa ang El Niño mula Hunyo hanggang Agosto ngayong taon at maaaring tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.

Samantala, sinabi naman ng kalihim na nasa mahigit dalawang milyong Pilipino na ang natulungan ng pamahalaan sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program bilang tugon sa krisis sa Middle East.

Dagdag pa ni Recto, nakakuha ng 75% approval rating mula sa publiko ang naturang programa batay sa isang survey.

Facebook Comments