Monday, July 27, 2026

Malacañang, umapela kay Mayor Baste na unahin ang mga binahang Dabawenyo sa halip na pamumulitika

Nanawagan ang Malacañang kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na unahin ang kapakanan ng mga residenteng apektado ng pagbaha sa Davao City sa halip na batikusin ang administrasyon.

Ito ang naging tugon ng Malacañang matapos batikusin ni Duterte ang administrasyong Marcos sa PDP-Laban National Assembly.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kagagaling lamang umano ni Baste sa bakasyon ngunit sa halip na tutukan ang kalagayan ng kanyang mga nasasakupan ay mas inuna pa nito ang pamumulitika.

Sinabi rin ni Castro na kung sinusubaybayan umano ni Baste ang mga balita, malalaman nito ang mga programa at proyekto ng pamahalaan.

Kaugnay naman ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, iginiit ni Castro na mandato ito ng Kongreso at walang kinalaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Dagdag pa niya, kung nais umanong tumakbong Pangulo ni Vice President Sara Duterte sa hinaharap, mas makabubuting malinawan muna ang mga kinahaharap nitong alegasyon, kabilang ang usapin ng confidential funds at umano’y unexplained wealth.

Facebook Comments